Año: Reintegration assistance nakahanda para sa mga komunistang rebeldeng magbababa ng armas

0
78

Ngayong nanunumbalik na ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng CPP-NDF-NPA at gobyerno, tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo M. Ano sa publiko na handa ang DILG na tulungan ang mga rebelde na magbababa ng kanilang armas. Mahigit 2,000 dating mga rebelde ang natulungan sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program ng DILG.

“Ang E-CLIP ng DILG ay puhunan para sa kapayapaan. Ito ay paraan ng gobyerno upang buksan ang mga kamay nito sa mga dating rebelde at tulungan sila na makabalik sa normal, produktibo at matuwid na pamumuhay,” pahayag ni Ano.

Kamakailan, inaprubahan ni Pangulong Duterte ang pagpapalabas ng halos kalahating bilyong pisong pang-suporta sa E-CLIP, sapat para matustusan ang mahigit 1,000 rebelde na inaasahang susuko ngayong taon.

“Nananawagan tayo sa mga pamilya, kaanak at kaibigan ng mga rebelde na tulungan tayong kumbinsihin sila na bumaba na mula sa kabundukan at samantalahin ang pagkakataon para sa pagbabagong-buhay na inaalok ng pamahalaan para sa kanila,” saad nito.

Sa nakalipas na tatlong taon, nagkaloob ang DILG ng financial assistance sa ilang daang dating komunistang rebelde na nagpahayag ng kagustuhan na bumalik sa lipunan. May kabuoang P59.68-milyon ang ibinigay bilang agarang tulong sa 471 dating rebelde, samantala 459 ang tumanggap ng livelihood assistance, 361 ang tumanggap ng reintegration assistance, at 132 ang binayaran kapalit ng pagsuko ng kanilang mga baril.

Sa huling tala nitong Disyembre 31, 2017, may 2,082 dating mga rebelde ang naka-enrol sa CLIP: 1,357 sa Mindanao, 448 sa Luzon, at 277 sa Visayas.

“Nakikiisa tayo sa sentimyento ng Presidente na sana’y hindi na muling sasayangin ng mga Komunista ang pagkakataon na ito. Sana ito na ang usapang pangkapayaan na maghahatid sa payapa at maunlad na Pilipinas. Wala na sanang pagkamatay ng usapang pangkapayapaan, at wala na sanang namamatay,” pagbibigay diin nito.

Tiniyak din ng DILG Chief ang buong pakikiisa ng Kagawaran sa Task Force Balik-Loob na itinatag ng Pangulo sa pamamagitan ng Administrative Order No. 10 para sa integration ng rebel-returnee assistance programs ng gobyerno tulad ng E-CLIP ng DILG at programang Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP).

“Ang pagbuo ng Task Force Balik-Loob ay indikasyon ng tunay na sinseridad, kahandaan, at pagiging desidido ng administrasyon na tuldukan ang ilang dekada ng kaguluhan. Sisikapin nating mangyari ang pagbabago at ngayon na ang panahon,” saad ng dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff.

Ang E-CLIP ang namamahala sa pagbabalik-loob ng mga dating rebeldeng NPA at Militia ng Bayan upang muling maging produktibong mamamayan. Ang programa ang nagbibigay ng kompensasyon at gantimpala sa lahat ng magbabalik ng kanilang mga armas.

Tatanggap ng immediate assistance ang dating rebelde ng halagang P15,000 para sa kanyang mobilization expenses, livelihood assistance na nagkakalaga ng P50,000, gayundin ng skills training, shelter at legal assistance at iba pa.

Nasa P5-milyon naman ang binibigay na financial assistance sa mga local government unit (LGU) para sa konstruksyon ng halfway house, isang pasilidad na nagsisilbing pansamantalang tirahan ng mga dating rebelde habang hinihintay na makapasok sa E-CLIP at para sa rehabilitasyon at healing sessions, education at skills training activities para sa kanila.

Nakapaglaan na ang pamahalaan ng P45-milyon para sa pagtatayo ng halfway houses para sa mga dating rebelde at surrenderees sa sumusunod na siyam na lalawigan: Kalinga at Mountain Province, Masbate, Negros Oriental, Hilagang Samar, Sarangani, Sultan Kudarat, Timog Cotabato, at Hilagang Cotabato.