DILG inihahanda ang SK mandatory training, iminumungkahi ang pagsumite ng resumé ng mga kandidato sa SK

0
140

Makalipas ang mahigit apat na taong bakante ang mga posisyon sa Sangguniang Kabataan (SK), maihahalal na sa ika-14 ng Mayo ang mga bagong pangkat ng kabataang lider na inaatasan na ng batas na lumahok sa mandatory training ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at National Youth Commission (NYC).

Sinabi ni DILG Spokesperson Assistant Secretary Jonathan Malaya sa isang joint press conference na ginanap Miyerkules ng umaga kasama ang NYC at Commission on Elections (Comelec) na ang Kagawaran ay nagpalabas na ng patnubay kaugnay ng pagsasagawa ng SK mandatory at continuing training programs na magkasamang pangungunahan ng DILG at NYC.

“Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng SK, kailangang sumailalim sa mandatory training ang mga mahahalal na SK officials bago pa man sila mag-umpisang manungkulan,” aniya.

“Ang hindi pagdalo sa training ng walang sapat na dahilan ay maituturing na sadyang pagkukulang na dumalo at magiging basehan ng diskuwalipikasyon ng SK officials o dahilan para isailalim sila sa disciplinary actions ayon sa Section 27 ng SK Reform Act,” sabi ni Malaya.

Ang SK mandatory training ay gaganapin sa ika-17 hanggang 26 ng Mayo kung saan tatalakayin ang modules kaugnay sa desentralisasyon at lokal na pamamahala, kasaysayan ng SK at mga prominenteng katangian nito, paano magsagawa ng pagpupulong at magsulat ng resolusyon, paano magplano at magbadyet, at ang code of conduct at etikal na pamantayan ng mga opisyal ng gobyerno.

Ayon kay Malaya, hindi hihigit sa P2,000 ang bayad ng isang SK official para sa training fee na maaaring kunin mula sa 10 porsyento ng pondo ng barangay para sa SK Funds.

“Umaasa tayo na ang pagsasanay na ito’y magbibigay ng mga mahahalagang kaalaman at kakayahan sa mga kabataang lider upang maayos nilang maisagawa ang kanilang tungkulin,” aniya.

Ang SK mandatory training ay alinsunod sa kauna-unahang pagpapatupad ng SK Reform Act o Republic Act No. 10742.

Sinabi naman ni NYC Assistant Secretary Rhea Penaflor, “Ang implementasyon ng SK mandatory training ay mahigpit na ipapatupad. Seryoso kami. Hindi mapapatakbo ng isang nanalong kandidato sa SK ang kanyang opisina kung wala siyang kaukulang kaalaman at kasanayan.”

Ang paghahain ng mga sertipiko ng kandidatura sa SK at gayundin sa eleksyong pambarangay ay sa ika-14 hanggang 20 ng Abril 2018. Magsisimula rin ang election period sa Abril 14 at magtatapos sa Mayo 21.

Pagsusumite ng resume
Muling ipinahayag ni Malaya ang pagsuporta ng DILG sa suhestiyon ng National Citizens Movement for Free Elections (NAMFREL) sa Comelec na hikayatin ang mga kakandidato sa barangay at SK elections na magsumite ng resume kasabay ng kanilang paghain ng sertipiko ng kandidatura o sa kanilang pangangampanya.

“Ang DILG ay hindi magtatakda ng template o format. Nasa SK at barangay candidates na kung ano ang kanilang ilalantad sa publiko. Ang punto ay magiging patunay ito ng kanilang pagiging angkop at kapasidad sa pamumuno. Bahagi rin ito ng voter’s education at pagpili ng mga botante kung kanino nila ibibigay ang kanilang boto,” aniya.

Sinabi naman ni Comelec Spokesperson Director James Arthur Jimenez na maaari itong gawin pero boluntaryo dapat dahil hindi ito mandato ng Konstitusyon sa mga kakandidato sa eleksyon.

“Napaka-aktibo na ngayon ng DILG at NYC sa barangay at SK elections kaysa sa nakalipas na panahon pagdating sa voter’s education campaign. Nakapakalaking pag-usbong po ito. Ayaw lang nating madapa sa ligal na teknikalidad. Ngunit tungkol sa panukalang pagsusumite ng resume, puwede siyang gawin ng mga kandidato ng boluntaryo,” sabi ni Jimenez.

Pinaalala ni Malaya ang panawagan ng DILG sa publiko na masusing pag-isipan ang iboboto at piliin ang mga kandidatong matitino, mahuhusay at maaasahan.