Año: Mga tanod bawal gumamit ng baril; Mga kapitan may pananagutan

0
1064

Nanawagan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Chief Eduardo M. Año sa mga punong barangay na tiyaking hindi nagdadala at gumagamit ng baril ang kanilang mga tanod kahit pa sa katwirang ito’y sa pagganap ng kanilang tungkulin.

Ipinaalala ni Año na ang mga tanod — o mga community brigade na binubuo ng mga civilian volunteers at itinalaga ng mga punong barangay ayon sa rekomendasyon ng Barangay Peace and Order Council – ay hindi pinapahintulutan sa ilalim ng batas na magdala ng armas kahit pa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kani-kanilang mga komunidad.

“Bilang kayong mga punong barangay ang pumili, nagtalaga, at nangangasiwa ng inyong mga tanod, kayo rin ang may pananagutan sa paraan ng pagsasagawa ng katungkulan ng inyong mga tanod,” aniya.

Ayon kay Año, ang mga tanod ay maaari lamang gumamit ng nightstick na may teargas (probaton) at may sinturon at holster, posas na may holster, pito, flashlight, kapote, rainboots, maliit na kuwaderno at ballpen, first aid kits, at ibang hindi nakamamatay na gadget.

“Bagaman mahalaga ang papel ng mga tanod sa pagtulong sa pagbabantay at pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa mga barangay, kailangan pa rin pong linawin at ipaalala na hindi sila pinahihintulutang magdala at gumamit ng baril kahit pa ang armas ay personal nilang kagamitan at kahit pa mayroon silang permit to carry,” sabi ni Año.

“Kung ang mga tanod ay may hinaharap na peligrosong sitwasyon, dumulog sila sa lokal na pulisya. Trabaho iyon ng mga pulis,” aniya.

Ipinaliwanag ng DILG chief na mula nang maisabatas ang Republic Act (RA) No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act noong 2012 ay napawalang-bisa na ang otoridad ng mga kasapi ng police auxiliary units tulad ng mga tanod na magdala ng armas, na dating pinapayagan sa ilalim ng Circular No. 2008-013 ng National Police Commission. “Wala na pong ligal na basehan para bigyan ng pahintulot na magdala at gumamit ng armas ang mga tanod,” sabi ni Año.

Nananawagan din ang DILG chief sa lahat ng mga local chief executives na tiyaking sumusunod sila sa kautusang ito at bawiin ang mga armas na ipinagkatiwala nila sa kanilang mga tanod.

Kanya ring binigyang-diin na ang mga nakarehistrong armas ng local government units (LGUs) ay maaari lamang iisyu sa mga permanenteng opisyal at kawani ng gobyerno na may plantilla position ayon sa Section 5.5.2 ng Implementing Rules and Regulations ng RA 10591.

“Ang mga tanod ay hindi po permanenteng mga manggagawa ng gobyerno kaya hindi sila maaaring gumamit ng armas maging iyong mga nakarehistrong baril ng LGU,”aniya.

“Ayaw na po nating may mapabalita pang tanod na sangkot sa paggamit ng baril kahit pa ikatwirang dahil ito sa kanyang pagganap ng kanyang trabaho sa barangay peace and order. Gawin po natin ang ating trabaho ng hindi lumalabag sa batas,” babala ni Año.

Samantala, ayon sa Section 389 (c) ng Local Government Code, maaaring magmay-ari at magdala ng armas sa loob ng kanilang mga nasasakupang lugar ang mga punong barangay para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan ngunit dapat pa rin silang sumunod sa mga panuntunan at regulasyong naaayon sa batas.

Ayon naman kay DILG Spokesperson ASec. Jonathan E. Malaya, isa sa mga palatandaan ng isang mabuting punong barangay na ‘nararapat iboto’ sa paparating na barangay elections ay iyong mga maalam sa mga kapangyarihan at tungkulin gayundin ang mga limitasyon ng kanyang mga manggagawa sa barangay tulad ng mga tanod.

“Unang-una, nananawagan tayo sa publiko na bumuto sa darating na barangay elections.Pangalawa, piliiin po nilang mabuti ang ating mga ihahalal nang sa gayun ay maging maunlad at mapayapa ang kanilang komunidad na ligtas sa kapahamakan ng iligal na droga, kriminalidad, at korapsyon,” sabi ni Malaya.

Sinabi rin niya na maglalabas ang DILG ng listahan ng mga katangian ng isang mabuting barangay official at magsisilbi itong gabay ng mga botante sa paparating na Barangay at Sangguniang Kabataan elections. Ayon pa sa kanya, hihimukin ng DILG ang publiko na bumuto ng mga bagong barangay officials na “Matino, Mahusay at Maaasahan.”