DILG hinikayat ang publiko na imonitor ang mga lokal na proyekto sa pamamagitan ng SubayBAYAN

0
280

Ang kampanya  ng pamahalaan para sa tapat at hayag na mga pamahalaang lokal ay mas lalong pinaigting sa paglunsad ng SubayBAYAN o Subaybayan ang Pondo ng Bayan, isang online na plataporma para sa implementasyon ng mga locally-funded projects (LFPs) na pinapamahalaan ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay DILG OIC-Secretary Eduardo M. Año, na bukod sa pagiging lagakan ng impormasyon, mamamatyagan ng publiko ang kalagayan ng mga proyekto sa kanilang mga local government units (LGUs) sa pamamagitan ng SubayBAYAN para magkaroon ng check and balance.

“Katulad ng pinapakahulugan ng pangalan nito, sa pamamagitan ng SubayBAYAN, matututukan ng publiko ang mga  proyektong pang-imprastruktura at patubig na ipinatutupad ng mga LGUs sa buong bansa upang magpursigi ang mga LGUs na pabilisin ang implementasyon ng mga proyekto at para masiguro na ang pondo ng gobyerno ay maayos na nagagamit,” sabi ni Ano.

Ayon sa DILG chief, ang SubayBAYAN na matutunghayan  online sa DILG website www.dilg.gov.ph ay magbibigay ng   real time information sa pisikal at pinansyal na estado ng mga proyekto; impormasyon sa aktuwal na lokasyon ng mga proyekto sa pamamagitan ng mga map overlays at dashboard graphical representations; mayroong mekanismo para sa feedback; at like at share information sa pamamagitan ng social media tulad ng Facebook.

“Ang SubayBAYAN ang one-stop-shop para matutukan ang mga proyekto ng DILG. Kung magkakaroon po kayo ng pagkakataon na mabisita ang website ng SubayBAYAN, makikita ninyo ang financial accomplishment at progress report ng mga proyekto. Maaari rin kayong magbigay ng comment doon,” dagdag pa niya.

Kasama sa online application system ang lahat ng  LFPs na pinamamahalaan ng   Office of Project Development Services ng DILG katulad ng  Sagana at Ligtas na Tubig sa Lahat (SALINTUBIG), Assistance to Municipalities (AM) mula 2018 pataas, Assistance to Disadvantaged Municipalities (ADM) 2017, Bottom-Up Budgeting (BuB) mula 2013-2016, BuB Local Government Support Fund (BuB-LGSF) at Recovery Assistance on Yolanda (RAY) mula 2013-2014.

Ang iba pang mga proyekto sa SubayBAYAN ay ang  Payapa at Masaganang Pamayanan (Pamana), Special Local Road Fund (SLRF), Konkreto at Ayos na Lansangan ang Daan tungo sa Pangkalahatang Kaunlaran (KALSADA), Bohol Earthquake Assistance (BEA)  2014, at Conditional Matching Grant to Provinces (CMGP).

Ayon kay Año, ang mga proyektong ito ay nakakatulong sa mga buhay ng mga Pilipino kung kaya’t dapat makita ang mga impormasyon na ito sa SubayBAYAN  at ang estado ng mga proyekto hanggang sa ito ay handa na para mapakinabangan ng publiko. —R4A/DILG Philippines